Lumipas ang halos apatnapung taon o apat na dekada bago nasilayan ng mga residente ng sitio Alliance Barangay Macebolig sa syudad ng Kidapawan ang pailaw o pagkakaroon ng kuryente sa kanilang lugar.
Taong 1962 ng dumating ang pamilya ni Nenita Bosbos sa naturang sitio, nanirahan sila na hindi man lang nakakakita ng liwanag lalo na pagsapit ng gabi dahil sa kawalan ng kuryente.
Nagpatuloy sila sa buhay kasama ang kanyang pamilya gamit lamang ang lampara o di kayay kandila para may ilaw kahit papaano para sa kanilang hapunan at makapagbasa ng leksyon ang kaniyang mga anak pagsapit ng gabi.
Sa mga panahon iyon kasi, hindi pa nakakarating ang mga linya ng kuryente sa kanilang lugar sa kadahilanang may kalayuan ito sa mga poste na naitayo na.
Dahil dito, walang araw na hindi nila pinangarap na magkakaroon sila ng kuryente para magkaroon man lang ng ginhawa at pagbabago sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
Hindi sila huminto sa pagnanais na matamo ang kanilang kagustuhan na magkailaw kaya mas lalo pa silang nagpursige para makapag-ipon ng sapat na pera para may pambayad sa pagpapakabit ng kuryente.
Noong mga panahong wala pang kuryente sa kanilang lugar, halos hindi raw makatulog ng maayos ang pamilya Bosbos dahil laganap noon ang nakawan at maraming mga gamit ang nawala sa kanila at maging ang kanilang mga alagang hayop ay hindi rin pinatawad ng mga kawatan.
Tila naging bangongot na sa kanilang pamilya ang mga di kanais-nais na pangyayaring iyon hanggang isang araw ay natupad na rin ang kanilang matagal ng pinapangarap na magkailaw.
Nitong 2012 lamang ay laking tuwa nila ng makarating na ang pailaw sa kanilang sitio at hindi na nila sinayang pa ang pagkakataon at agad silang nag-apply sa Cotelco para makabitan sila ng kuryente.
Dumaan sila sa proseso ng kooperatiba hanggang isang araw ay nasilayan nila ang liwanag na di nila naranasan sa loob ng maraming taon.
Naging madilim man ang kahapon nila pero napalitan naman ito ng ligaya at ginhawa dahil sa liwanag na dala nito dahil na rin sa mga programa ng gubyerno na ipinapatupad ng mga Electric Cooperative.
Dahil dito lubos ang pasasalamat ng pamilya bosbos sa pagpapabago na kanilang naranasan na minsan lang nilang pinangarap at ngayon ay abot kamay na nila.
Sa ngayon, ay katuwang na nila ang elektrisidad sa kanilang pang araw-araw na gawain.